Friday, January 21, 2011

Ang kasaysayan at Pinag mulan ng ANIMASOLA

Sino Ang ANIMASOLA? At anu ang kasaysayan at pinagmulan.

Para sa mga Nag eemail sakin at nagtatanong!!!
narito ang maikling sasaysayan ng ANIMASOLA at ng pitong nunong mga babae...


Nang wala pa ang mundo sa lawak ng kadiliman ay biglang gumuhit ang matatalim na kidlat at kulog na kagulat gulat. Pagkatapos ay saka lilitaw na lamang ang babae, na ang mukhay nagliliwanag at nagniningning na di matitigan ay siyang nangusap ng ganito:
Ako ang una at nag iisa “ ANIMASOLA” ako ang pinagmulan ng naghahawak ng liwanag at ang dilim na liliwanagan.
Nang itoy masabi ay muli siyang nangusap ng pitong (7) makapangyarihang salita:
+A..M.N + AG..EC + AH..RA + ACT…E + ACT..B + ANI.MA..A + ABD…M+
Nang itoy matapos ay muli siyang nagusap:

“SE….M”

At nang itoy masabi at umulit na naman ang kidlat at kulog na kagulat – gulat at ayaw huminto..
Sa ginitong pangyayari ay muling nagsalita ang ANIMASOLA
“ PERG….M”
At ang kulog at kidlat ay biglang tumigil at biglang nag niwanag. Sa pag liliwanag nito ay nakita na lamang na nakasulat ang kanyang kabanal banalang panagalan sa kanyang kamahal-mahalang balabal
“A.”+
“U.”+
“A.”+

Iyan ang kanyang pangalan at siya ang kauna unahan sa pitong kanunuang babae na kung tawagin ay pitong Birhin(SIETE VIRGENES)
Ang pangalan naman nang anim na birhin ay:
“AG..EC”
“A.IE.A”
“AC….E”
“ACT..B”
“ANI….A”
“ABD…M”

Friday, January 7, 2011

Ang Aklat ni Jacobo

Unawain at kapulutan ng mabuting halimbawa para sa pakikipagkapwa at para Diyos.

JACOBO

1 Ako ay si Jacobo. Ako ay isang alipin ng Diyos at ng
Panginoong Jesukristo. Binabati ko ang labindalawang lipi ng
Israel na nakakalat sa iba't ibang bansa.

Mga Pagsubok at Tukso

2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag
dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. 3 Alam ninyo na ang
pagsubok sa inyong pananampalataya ay nakagagawa ng pagtitiis.
4 Hayaan ninyong tapusin ng pagtitiis ang kaniyang ganap na gawa
upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay walang
anumang kakulangan. 5 Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng
karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya.
Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat ng tao at hindi
nanunumbat. 6 Ngunit kapag siya ay humingi, hayaan siyang
humingi na may pananampala-taya at walang pag-aalinlangan. Ang
taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na
tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7 Ang taong nag-aalinlangan
ay hindi dapat mag-isip na siya ay tatanggap ng anuman mula sa
Panginoon. 8 Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa
lahat ng kaniyang mga lakad.
9 Hayaang magalak ang kapatid na may mababang kalagayan sa
kaniyang pagkakataas. 10 Magalak din naman ang mayaman sa
kaniyang pagkakababa dahil tulad ng bulaklak ng damo siya ay
lilipas. 11 Ang araw ay sumisikat na may matinding init at ang
damo ay nalalanta. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at ang
kaakit-akit na anyo nito ay nasisira. Gayon din naman ang
mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad.
12 Pinagpala ang taong nagtitiis ng pagsubok dahil kapag siya
ay nasubok na, tatanggap siya ng putong ng buhay. Ito ang
ipinangako ng Panginoon sa kanila na umiibig sa kaniya.
13 Huwag sabihin ng sinumang tinutukso, na siya ay tinutukso
ng Diyos. Ang Diyos ay hindi maaaring matukso ng mga kasamaan ni
hindi niya tinutukso ang sinuman. 14 Ang bawat tao ay natutukso
kapag siya ay nahihila ng kaniyang sariling pita at nasisilo.
15 Kapag ang pita ay naglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan.
Kung ang kasalanan ay malaki na, ito ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong magsilihis. 17 Ang
bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas at nagbubuhat sa
Ama ng mga liwanag. Siya ang Ama na walang pagbabago ni anino man
ng paggalaw. 18 Sa kaniyang sariling kalooban ay iniluwal niya
tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan. Ito ay upang tayo
ay maging isang uri ng mga unang-bunga ng kaniyang mga nilikha.

Pakikinig at Pagsasagawa

19 Kaya nga minamahal kong mga kapatid, ang bawat tao ay dapat
maging maagap sa pakikinig. Siya ay dapat maging mahinahon sa
pagsasalita at hindi madaling mapoot. 20 Ang poot ng tao ay
hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya nga iwaksi ninyo
ang lahat ng karumihan at labis na kasamaan. Tanggapin ninyong
may kababaang loob ang salitang isinug-pong sa inyo na
makapagliligtas sa inyong mga kaluluwa.
22 Gawin ninyo ang salita. Huwag kayong maging tagapakinig
lang ng salita na ang inyong mga sarili ang dinadaya ninyo.
23 Ang sinumang tagapakinig ng salita ngunit hindi taga-pagsagawa
nito ay natutulad sa isang taong minamasdan ang kaniyang likas na
mukha sa salamin. 24 Pagkatapos niyang masdan ang kaniyang
sarili, siya ay lumisan at nalimot niya kaagad kung ano ang
kaniyang anyo. 25 Ngunit ang sinumang tumitingin sa ganap na
kautusan ng kalayaan at nananatili rito ay hindi nakalilimot na
tagapakinig sa halip siya ay taga-pagsagawa ng gawain. Ang taong
ito ay pagpapalain sa kaniyang ginagawa.
26 Kung ang sinuman sa inyo ay tila makadiyos na hindi
pinipigil ang kaniyang dila ngunit dinadaya ang kaniyang puso,
ang kaniyang pagkamakadiyos ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay
at malinis na pagkamakadiyos sa harapan ng Diyos at ng Ama ay
ito: Dalawin ang mga ulila at ang mga babaing balo sa kanilang
kapighatian. Ingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng
sanlibutan.

<> Huwag Magkaroon ng Pagtatangi

2 Mga kapatid ko, ang pananampalatayang nasa inyo ay sa
Panginoong Jesukristo na Panginoon ng kaluwalhatian. Huwag
magkaroon ng pagtatangi ng mga tao ang pananampa-latayang ito.
2 Maaaring may pumasok sa inyong bahay-sambahan na isang taong
may gintong singsing at marangyang kasuotan. Maaaring may
pumasok din na isang taong dukha na napakarumi ng damit.
3 Maaaring higit ninyong binigyan ng pansin ang may marangyang
kasuotan at sinabi sa kaniya: Maupo po kayo rito sa magandang
dako. Sa taong dukha ay sinabi: Tumayo ka na lang dito o di kaya
ay maupo ka sa patungan ng aking paa. 4 Hindi ba kayo rin ay may
mga pagtatangi-tangi sa inyong mga sarili? Kayo ay naging mga
manghahatol na may masasamang isipan.
5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng
Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayayaman sa
pananampalataya? Pinili silang tagapagmana ng kahariang
ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya. 6 Hinamak ninyo ang
taong dukha. Ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa
inyo sa harap ng mga hukuman, hindi ba? 7 Sila ang lumalait sa
mabuting pangalan na itinatawag sa inyo, hindi ba?
8 Kung tinutupad ninyo ang maharlikang kautusan ayon sa
kasulatan, mabuti ang inyong ginagawa. Ang maharlikang kautusan
ay: Ibigin mo ang iyong kapuwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong
sarili. 9 Kaya kung kayo ay nagtatangi ng tao, kayo ay
nagkakasala. Ipinapahayag ng kautusan na kayo ay lumalabag.
10 Ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit natiti-sod sa
isang bahagi ay nagkakasala sa buong kautusan. 11 Sinabi ng
Diyos: Huwag kang makiapid. Sinabi rin niyang huwag kang
papatay. Kung hindi ka man nakiapid ngunit ikaw naman ay pumatay,
ikaw ay lumabag sa kautusan.
12 Kayat magsalita ka at gumawang tulad ng mga malapit nang
hatulan ng kautusan ng kalayaan. 13 Walang kahabagang hahatulan
ng Diyos ang sinumang nagkait ng kahabagan. Ang kahabagan ay
nagtatagumpay sa kahatulan.
14 Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may
pananampalataya subalit wala siyang mga gawa, ano ang pakinabang
noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya? 15 Maaaring ang
isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o hikahos sa
pang-araw-araw na pagkain. 16 Ang isa sa inyo ay nagsabi sa
kanila: Humayo kayo nang payapa. Magpainit kayo at magpakabusog.
Kung hindi naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan,
ano ang pakinabang noon? 17 Ganiyan din ang pananampalataya,
kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili.
18 Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay
may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalata-yang walang mga
gawa. Ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa
pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Nananampalataya kang iisa ang
Dios. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay
nananampalataya at nanginginig.
20 Ikaw na taong walang kabuluhan, alamin mo ito: Ang
pananampalatayang walang mga gawa ay patay. 21 Ang ating amang
si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, hindi
ba? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si
Isaac. 22 Iyong nakita kung papaanong ang pananampalataya ay
gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay
naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. 23 Ang sinabi ng
kasulatan ay naganap: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos. Ito
ay ibinilang ng Diyos na katuwiran para kay Abraham at tinawag
siyang kaibigan ng Diyos. 24 Nakikita ninyong ang tao ay
pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa
pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 Hindi ba sa gayon ding paraan si Rahab na isang patutot ay
pinaging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang
tanggapin ang mga sugo, pinaalis niya sila at pinadaan sa ibang
landas. 26 Ang katawang walang espiritu ay patay, gayon din ang
pananampalatayang walang mga gawa.


Pagpapaamo sa Dila

3 Mga kapatid ko, alam ninyo na kaming mga guro ay
tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga huwag maging
guro ang marami sa inyo. 2 Tayong lahat ay madalas na
nagkakamali. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang
pananalita, siya ay taong ganap. Napipigil niya ang buo niyang
katawan.
3 Tingnan ninyo, nilalagyan natin ng bukado ang bibig ng mga
kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bukado ay
naililiko natin ang buong katawan nila. 4 Tingnan din ninyo ang
mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na
hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng
napakaliit na timon saan man naisin ng tagatimon. 5 Gayon din
ang dila, isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng
mga dakilang bagay. Tingnan ninyo, ang maliit na apoy ay
nagpapaliyab ng malaking kagubatan. 6 Ang dila ay tulad ng apoy,
daigdig ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na
dumudungis sa kabuuan nito. Sumusunog ito sa lahat ng mga bagay
tungkol sa ating pamumuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno.
7 Ang tao ay nagpapaamo ng lahat ng uri ng mga hayop at mga
ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. Ang mga
hayop na ito ay pinaaamo at napaamo na ng tao. 8 Ngunit walang
nakapagpaamo sa dila. Ito ay masamang bagay na walang taong
makapigil. Ito ay puno ng kamandag na nakamamatay.
9 Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama.
Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos
na kawangis niya. 10 Sa pamamagitan ng iisang bibig pinupuri
natin ang Diyos at isinusumpa ang iba. Mga kapatid ko, hindi
dapat maging ganito ang mga bagay na ito. 11 Ang bukal ba ay
nagbubulwak ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas?
12 Mga kapatid ko, makapagbubunga ba ng olibo ang puno ng igos? o
ang puno ng ubas ng igos? Ang bukal ay gayon din, hindi ito
makapaglalabas ng maalat at matamis na tubig nang sabay.

Dalawang Uri ng Karunungan

13 Sino sa inyo ang matalino at nakauunawa? Hayaang ipakita
niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa
na may mapagpakumbabang karunungan. 14 Maaaring magkaroon ng
mapait na pag-iinggitan at pagtatalu-talo sa inyong mga puso.
Kung mayroon man, huwag magyabang at magsinungaling laban sa
katotohanan. 15 Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas,
ito ay mula sa mundo. Ang karunungang ito ay mula sa kalikasan ng
tao, ito ay mula sa diyablo. 16 Kung saan naroon ang pag-
iinggitan at pagtatalo-talo, naroroon ang kaguluhan at bawat
masasamang mga bagay.
17 Ang karunungang nagmumula sa itaas una sa lahat ay,
dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng
kahabagan at mabubuting bunga. Ito ay hindi nagtatangi at walang
pagkukunwari. 18 Ang mga mamamayapa ay naghahasik nang mapayapa.
Sila ay nag-aani ng bunga at ito ay ang katuwiran.

4 Saan nagmula ang mga labanan at mga pag- aaway-away
sa inyo? Hindi ba ito ay nagmula sa inyong mga pagnanasa na
naglalaban sa inyong mga kalooban? 2 Nagnanasa kayo nang masidhi
ngunit hindi kayo nagkakaroon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot
ngunit hindi kayo makakamit. Kayo ay nag-aaway-away at
naglalaban-laban. Hindi kayo nagka-karoon dahil hindi kayo
humihingi. 3 Nang humingi kayo, hindi kayo nakatanggap sapagkat
ang inyong paghingi ay masama. Ang inyong hinihingi ay gagamitin
ninyo sa inyong mga masidhing pagnanasa.
4 Kayong mga mangangalunyang lalaki at babae, ang
pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa
Diyos. Hindi ba ninyo ito alam? Kaya ang sinumang
makikipagkaibigan sa sanlibutan ay kaaway ng Diyos. 5 Sinasabi
ng kasulatan: Ang Espiritung nananahan sa atin ay labis na
naninibugho. Sa palagay ba ninyo ay walang kabuluhan ang
sinasabing ito ng kasulatan? 6 Tayo ay binigyan ng Diyos nang
higit pang biyaya. Dahil dito sinabi niya: Sinasalungat ng Diyos
ang mga mapagmataas ngunit binibigyan niya ng biyaya ang mga
mapagpakumbaba.
7 Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos. Labanan
ninyo ang diyablo at siya ay lalayo sa inyo. 8 Magsilapit kayo
sa Diyos at Siya ay lalapit sa inyo. Kayong mga makasalanan,
linisin ninyo ang inyong mga kamay. Kayong mga taong
nagdadalawang-isip, dalisayin ninyo ang inyong mga puso.
9 Mamighati kayo, magdalamhati at tumangis. Palitan ninyo ang
inyong pagtawa ng pagdadalamhati. Palitan ninyo ang inyong
katuwaan ng kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng
Panginoon at kayo ay itataas niya.
11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa
isa't isa. Ang gumagawa nito at humahatol sa kaniyang kapatid ay
nagsasalita ng masama laban sa kautusan at humahatol sa kautusan.
Kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagapagsagawa ng
kautusan. Ikaw ay manghahatol. 12 Iisa lamang ang nagbibigay ng
kautusan. Siya ay makapagliligtas at makapupuksa. Sino ka upang
humatol sa ibang tao?

Pagyayabang Tungkol sa Kinabukasan

13 Makinig kayo ngayon, kayong nagsasabing: Ngayon o kaya ay
bukas, kami ay pupunta sa gayong lunsod. Mananatili kami roon ng
isang taon. Kami ay mangangalakal at tutubo. 14 Ngunit hindi
ninyo alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ano ba ang
iyong buhay? Ito ay tulad sa isang singaw na sa maikling oras ay
lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho. 15 Ito ang dapat ninyong
sabihin: Kung kalooban ng Panginoon, mabubuhay tayo. Gagawin
natin ang bagay na ito o ang gayong bagay. 16 Datapuwat ngayon
ay nagmamapuri kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng
ganitong pagmamapuri ay napakasama. 17 Kaya nga, ang sinumang
nakaaalam na gumawa ng mabuti at hindi gumagawa nito ay
nagkakasala.

Babala sa Mayayamang Nang-aapi

5 Mga mayayaman, makinig kayo, kayo ay tumangis at
pumalahaw sa darating ninyong mga paghihirap. 2 Ang mga
kayamanan ninyo ay nabulok. Ang mga damit ninyo ay kinain ng
tanga. 3 Ang mga ginto at pilak ninyo ay kinalawang. Ang
kalawang ng mga ito ang magiging patotoo laban sa inyo at siyang
kakain sa inyong mga laman tulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng
kayamanan para sa mga huling araw. 4 Tingnan ninyo. Ipinagkait
ninyo ang mga upa ng mga manggagawang gumapas sa inyong mga
bukirin. Ang kanilang mga upa ay umiiyak. Ang iyak ng mga
manggagawang gumapas ay narinig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Kayo ay namuhay sa mundong ito sa kasaganaan at pagpapasasa.
Binusog ninyo ang inyong mga puso tulad sa araw ng pagkakatay.
6 Inyong hinatulan at pinatay ang taong matuwid. Hindi niya kayo
tinututulan.

Pagtitiis sa Kahirapan

7 Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbalik ng
Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka kung papaano siya
naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Matiyaga niya itong
hinihintay hanggang sa pagdating ng una at huling ulan.
8 Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong mga loob
sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. 9 Mga kapatid,
huwag kayong maghinagpis sa isa't isa upang hindi kayo mahatulan.
Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.
10 Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na
nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na
dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. 11 Tingnan ninyo,
itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo
ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Diyos.
Nalaman ninyo na ang Panginoon ay lubhang maawain at mahabagin.
12 Ngunit higit sa lahat mga kapatid ko, huwag kayong susumpa.
Huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit o lupa o ng ano pa
mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong
hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo maging
mapagpakunwari.

Ang Panalanging May Pananampalataya

13 Mayroon bang napipighati sa inyo? Hayaan siyang manalangin.
Mayroon bang masaya sa inyo? Hayaan siyang magpuri. 14 Mayroon
bang may malubhang sakit sa inyo? Hayaan siyang tumawag sa mga
matatanda sa iglesya. Hayaan silang ipanalangin siya at pahiran
siya ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may
pananampalataya ay makapagpapagaling sa taong maysakit at siya ay
ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang nagawang mga
pagkakasala, siya ay patatawarin sa mga iyon. 16 Magpahayagan
kayo ng inyong mga pagkakamali sa isa't isa. Magpanalanginan kayo
sa isa't isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na
panalangin ng taong matuwid ay maraming nagagawa.
17 Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim
siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa
loob nang tatlo at kalahating taon. 18 Muli siyang nanalangin at
ang langit ay nagbuhos ng ulan, ang lupa ay nagbigay ng ani.
19 Mga kapatid, maaaring ang isa sa inyo ay lumihis sa
katotohanan at siya ay napanumbalik ng isa sa inyo. 20 Dapat
malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa landas ng
pagkakamali, na siya ay makapagliligtas ng isang kaluluwa mula sa
kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan.